Dakkel, dakkel naman | Philippines
Nag text kaninang 2:30 ang kaklase ko noon sa high school. Mga 4:00 ko na nabasa dahil nakatulog ako dahil sa pagkalasing. Nalasing ako sa padasal ng kamag-anak namin.
Hindi na sana ako pupunta dahil late ko nang nabasa, masakit ang ulo ko o siguro nagdadahilan lang ako. Tumawag ako.
Habang kausap ko sila bigla kong naisip. Sa buhay ng tao, minsan ka lang maging bata. Minsan mo lang sila makikita. Minsan lang mangyayari ito, pagtanda namin hindi na mauulit. Maulit man, malamang may mga pumanaw na.
Sa dinami-daming bagay na nagawa ko na gusto kong baguhin; dadagdagan ko pa ba ang mga ito? Buti sana kung maabutan ko pa ang pagkakaimbento ng time machine.
Pumunta ako. Medyo malayo, kabukiran na ang lugar. Tatlo silang naabutan ko. 2 teacher, at 1 nurse. Itong mga kaibigan ko eh uhugin pa noong mga nag-aaral pa kami. Payat pa sila noon, ngayon mga butete na silang tatlo.
May kanya-kanya kaming kasaysayan, kuwento. Si J kaklase ko mula elementary. Si J kaibigan ko noong elementary taga-ibang school siya pero noong high school same school na kami. Si M naman ang nagturo sa akin kung paano maglaro ng basketball. Ang usapan namin noong nasa high school kami, magkikita ulit kami sa PBA na. Siyempre hindi iyon natupad. Ang pangarap hindi nangyayari, mangyari man ang inaasam mo hindi na ito perpekto, isang pinakamalapit lang na larawan ng tunay mong pangarap.
Dumating pa ang dalawa. Si A ang kaibigan kong emosyonal, madaling lumuha. Kabarkada ko siya kasama si M. Siyempre may tawag kami sa barkada namin. Kakornihan. 5 kami sa grupo. 3 ang present.
Si E naman. Sa kanya ako nagseselos noon kasi malapit siya sa GF ko noong high school. Isang pagseselos na kung iisipin mo ngayon eh wala namang kakuwenta-kuwenta. Kapag bata ka pa, talagang kulang pa ang iyong pag-unawa, eksperyens at kung paano ka aakto sa isang situwasyon. Akala nga nila galit pa ako sa kanya, pero ang ika ko naman dala lang iyon ng emosyong natural sa mga kabataan.
Nag-inuman kami. Ang pulutan namin iyong tsitsarong galing ng Malaysia. Ang tingin ko parang tsitsarong balat ng tao. Iba ang texture/surface noong tsitsaron. Napagkuwentuhan namin ang mga dati naming mga kaklase. Pero ang mas punto ko, yung dalawang wala doon na kabarkada ko.
Nagvideo-oke sila. Sa normal na situwasyon hindi ako sasama. Pero kapag may pagpapahalaga ka sa mga tao, at sa pangyayari talagang iibahin mo ang iyong gagawin sa normal.
Nagpakasawa silang kumanta.
Matapos niyon, pauwi na kami, nagpaalamanan. Inihatid nila ako. Mahalaga pa rin ako para sa kanila.
Hindi sana kami dadaan sa kalyeng iyon, pero parang may magnet na humila sa amin. Hindi namin inaasahan.
Napansin ni A ang kotse na nadaanan namin. Parang kay W. Si W ang isa sa 5 kabarkada ko. Sa Australia siya nakatira ngayon.
Nandoon nga siya at nakita naming kasama si G na kaklase din namin.
Naextend ang inuman. At maeextend pa bukas dahil binyag ng anak ng isa pa naming kaklase na si G na GF ni E noong high school kami. Hindi sila nagkatuluyan.
Sa batch namin may mga sweethearts. Ako at si A. Si N at si A. Si E at G. Anim kaming mga miyembro nito. Sa simpleng paliwanag, may barkada ako, miyembro din ako ng barkada ng mga sweethearts, at may malapit akong kaibigan na hiwalay pa sa barkada (kabilang dito ang crushes, lust at secret love). Si E na nabanggit ko sa taas ay siya ring E na nabanggit ko sa kabuuan ng kuwento kong ito.
Kung iisipin mo, parang kailan lang. Batang bata pa kami noon. Masaya. Protektado. Lahat ng bagay ay bago. Masarap ang pakiramdam.
No related posts.
Mga Head Hunter ng Baguio City. Hay Land ng Benguet. Lo' land ng Pangasinan. Big brother ng Tarlac.
Leave a reply