Hindi niyo ba napapansin? Hindi niyo pa ba alam?

10 milyong taon pa daw bago irelease ang resulta ng nursing board exam. Daming nag-aabang ng resulta.

Siguro sa February pa lilitaw.

Siyempre may kuwento dapat. Ang kuwento ko ngayon ay tungkol sa Doctor.

Minsan nakasakay ako sa jeep. Napadaan ito sa hospital. Nagkomento ang drayber. Mga buwaya daw ang mga doctor. Mga sakim daw sa pera. Napakamahal daw maningil.

Gusto kong kumampi.

Pero hindi. Malaking pera din kasi ang ginastos ng mga physician bago sila naging doktor. Mahabang panahon din ang ginugol nila. Milyon. At priceless na panahon. 4 to 6 years na pre-med. Tuition, allowance at bayad sa bahay at iba pang fee para sa projects, libro at iba pa. Mahabang panahon na pagbababad sa pag-aaral habang ang ibang kabataan ay nag-eenjoy sa kanilang buhay. Mahabang panahon na pakikisama sa mga kaklase, mga propesor, at iba pang alagad sa unibersidad. Matapos ang premed, mag-aaral na sila ng medicine. 4 years ulit. Doblehin o triplehin mo ang gastos kumpara sa premed. Doblehin o triplehin mo din ang dami ng mga masusungit at magagaliting propesor. At siyempre ang bilang ng mga kulugong mga kaklase. Ganoon din ang pag-aaral. Hindi biro ang oras at pagod sa pagbabasa at pagmememorya habang ang ibang kabataan ay nag-eenjoy sa kani-kanilang bisyo.

Matapos ang graduation, kukuha ng board exam. Masuwerte kung pumasa.

Tapos?

Masuwerte kung may sarili siyang ospital o clinic, paano kung wala? Milyon ang halaga ng pagpapagawa ng clinic. At milyun milyon ang halaga ng mga aparato.

Hindi doon nagtatapos. Pagkapasa ng doctor hindi siya instant na mayaman. Kukuha pa siya ng espesyaliseysyon. 4 years. Papasok siya sa ospital at magpapakaalila. Masuwerte kung may suweldo na agad. Kung may suweldo man, sigurado mababa lang.

Kapag nagbayad ang pasyente sa ospital sa tingin mo sa doktor na kumukuha ng espesyaliseysyon mapupunta iyon? Hindi. Meron siguro, pero gabulbol lang.

Natapos niya ang espesyaliseysyon. Kukuha naman siya ng exam para matawag siya halimbawa, radiologist. Masuwerte kung pumasa. Kung hindi maghihintay siya ng 1 year para kumuha ulit ng exam.

At hindi pa nagtatapos diyan. May Diplomate pa. 2 years ulit.

Kunwari 5 years sa premed, 4 years sa med, 4 years sa radiology or ob-gyne, tapos 2 years sa diplomate. Sumatutal 15 years siyang nag-aral para lang mapagaling ka ng tama. 15 years ang hindi niya naenjoy.

Habang ang ibang kabataan ay nagiinuman, nagdudurog, namamasyal, at ineenjoy ang kanilang buhay.

Nandoon siya, nag-aaral at nagpapakadalubhasa para maging doktor.

Ang tingin natin mahal maningil ang doktor sa Pinas.

Siguro. Pero hindi. Ang presyo ng singil nila sa iyo, ikumpara mo sa hirap at perang ginatos nila para maging doctor.

Mahirap lang talaga tayong mga Pilipino kaya ang tingin natin ay mahal. At lalo tayong naghihirap dahil napupunta ang mga pinaghirapan natin sa mga bulsa ng mga pulitiko.

No related posts.